21 rebelde sumuko sa Albay

21 rebelde sumuko sa Albay

January 26, 2022 @ 8:24 AM 8 months ago


LEGAZPI CITY – Aabot sa 21 rebelde ang boluntaryong sumuko sa 49th Infantry Battalion (49IB) ng Philippine Army at 902nd Infantry Brigade, kabilang ang Police Regional Office 5 (PRO5) sa Barangay Tas-tas, Ligao City, Albay.

Sa pahayag ni Maj. John Paul Belleza, 9th Infantry Division (9ID) spokesperson, na ang mga dating rebelde ay kinabibilangan ng 10 regular New People’s Army (NPA), anim na Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) at limang Militia ng Bayan (MB) members.

“They also turned in one M16 rifle, one shotgun, two calibers .45, one caliber .38 revolver, two rifle grenades, assorted ammunition, and one anti-personnel mine with 20-meter wire,” ayon pa kay Belleza.

Sinabi naman ni Lt. Col. Benjamin Tapnio, kumander ng 49IB, na ang malakihang pagsuko ay malaking dagok sa pwersa ng mga rebelde.

Pinuri naman ni Col. Edmundo Peralta, commander ng 902nd Infantry Brigade, ang kanyang mga tauhan maging ang pamilya ng mga sumukong rebelde sa pagtutulungan para makamit ang pagpapasuko.

“Maliban sa ating panawagan, isa sa mga dahilan kung bakit nagbalik-loob ang mga ito sa pamahalaan ay dahil katuwang natin ang kanilang mga mahal sa buhay na kumbinsihin silang abandonahin na ang walang saysay na armadong tunggalian at mamuhay ng mas mapayapa at makabuluhan,” aniya pa. RNT