212 Navoteño, nagkatrabaho sa TUPAD

212 Navoteño, nagkatrabaho sa TUPAD

August 3, 2018 @ 1:12 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nabigyan ng trabaho ang 212 Navoteño ng pamahalaang lungsod ng Navotas bilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Workers.

Sa kanilang orientation at contract signing, hinikayat ni Mayor John Rey Tiangco ang mga TUPAD workers na pahalagahan ang kanilang kita at magsikap na makaipon.

Ang 212  na benepisyaryo ng TUPAD ay binigyan ng trabaho sa loob ng 15 araw at may sweldo sila ng P512 na daily minimum wage.

Binigyang-diin din ng alklade na higit sa matatanggap na sweldo, ang pagtatrabaho sa TUPAD ay maghahatid ng saya dahil makakapag-ambag sila sa kapakanan ng komunidad. Tutulong ang mga TUPAD workers sa pagpapaganda at pagmimintina ng mga barangay tulad ng paglilinis ng kanal at coastal cleanup.

“Ang magiging trabaho ninyo, lalo na ang paglilinis ng kanal, ay makatutulong para masigurong hindi babaha sa Navotas kahit may malakas na ulan o high tide,” Tiangco said. “Makatutulong din ito para panatilihing ligtas ang ating kapwa Navoteño, lalo na ang kabataan, mula sa kapahamakan,” ayon pa sa alkalde.

Hinamon din sila ni Tiangco na magsikap at mag-enroll sa Tech-VOC courses na handog ng mga training centers ng lungsod o magkamit ng diploma sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS). “Makakapag-aral kayo ng libre sa ating training centers at makakakuha ng certification mula sa TESDA (Technical Education and Skills Development Authority).

May mga oportunidad para mapaunlad ninyo ang inyong sarili. Wag kayong mag-atubiling kunin ito,” saad niya.

Samantala, pinasalamatan din ni Mayor Tiangco ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa trabahong handog nila sa mga Navoteño.

“Karamihan sa aming nasasakupan ay mga mangingisda na nakadepende ang hanapbuhay sa huli nila araw-araw. Kapag hindi maganda ang panahon o may fishing ban, wala silang mapagkukunan ng kabuhayan at pangsuporta sa kanilang pamilya.

Napapanahon lang ang tulong na hatid ng DOLE, sa pamamagitan ng TUPAD, karamihan sa mga benepisyaryo, na binubuo ng 156 mga lalaki at 55 mga babae, ay mga mangingisda, porter, fish handler at trader.

Kasama sa mga dumalo sa orientation sina Ronald Del Rosario, Adrian Dumaguit at Joseph Gil Cabrera ng DOLE–CAMANAVA. Naroon din sina Social Security System (SSS) representative Romarie Ann Sevilla, at mga guro ng ALS na sina Cindy Obiena at Shalimar Tamayo para sumagot sa mga tanong tungkol sa SSS membership at ALS enrolment. (Roger Panizal)