214 Bulakenyo ‘on the spot’ nagkatrabaho sa TNK Fiesta caravan

214 Bulakenyo ‘on the spot’ nagkatrabaho sa TNK Fiesta caravan

September 16, 2022 @ 12:20 PM 3 weeks ago


LUNGSOD NG MALOLOS- Nasa 214 Bulakenyo ang nabigyan ng hanapbuhay on the spot sa ginanap na Trabaho Negosyo Kabuhayan (TNK) Fiesta Caravan Job and Business Fair Local and Overseas Employment na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium nitong Martes, Setyembre 13.

Mariing pinasalamatan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang 53 lokal at apat na overseas employers na sumama sa job fair sa pagbibigay ng pagkakataon sa 2,946 nagparehistrong Bulakenyo na makuha ang kanilang pangarap na trabaho.

Ibinahagi rin niya na mga aplikanteng Bulakenyo ang uunahin sa mga trabahong dala ng mga malalaking proyekto sa lalawigan kabilang ang Bulacan airport at ang Mega City sa Pandi, Balagtas, at Bocaue.

“Kasabay ng mga parating na mga developments ang pagdating din ng mga trabaho para sa mga Bulakenyo. Huwag po tayong masiraan ng kalooban. Laban lang po tayo. Pasasaan ba at makakaraos din tayong lahat,” anang gobernador.

Nangako rin si Fernando na patuloy na magsasagawa ng buwanang job and livelihood fair ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office upang makatulong sa mga Bulakenyong naghahanap ng trabaho.

Samantala, umiiyak na nagpasalamat sa iQor, isang kumpanyang BPO, si Jhonavie Pagtalunan, isang dating scholar ng Pamahalaang Panlalawigan at undergraduate ng Theater Arts, sa pagtanggap sa kanya sa trabaho sa mismong araw na iyon.

“Malaking tulong po ito sa family ko, para sa mga medical bills nila. It will also help me para ma-boost pa ‘yung confidence ko and ‘yung English ko,” ani Pagtalunan.

Ilan sa mga industriya na nag-alok ng mga bakanteng trabaho sa mga Bulakenyo ang logistics, Business Processing Outsourcing, whole at retail trade, construction, consumer goods, sales at marketing, automative sales and services, security services, transportasyon, water industry, information technology, janitorial services, edukasyon, health and wellness, finance industry, food industry at manufacturing.

Maliban sa mga inaalok na trabaho, nagkaroon din ng one-stop shop ang mga ahensyang nasyunal upang tulungan ang mga aplikante sa pagsasaayos ng mga kinakailangan nilang dokumento kabilang ang SSS, NBI, Philhealth, PSA, BIR, DTI, DOLE, TESDA, DMW, POEA, at OWWA. Dick Mirasol III