21st year ng Ecological Solid Waste Management Act ipagdiriwang ng DENR

21st year ng Ecological Solid Waste Management Act ipagdiriwang ng DENR

January 14, 2022 @ 5:10 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Upang paalalahanan ang publiko hinggil sa kahalagahan ng paghihiwalay ng basura ipagdiriwang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ngayong buwan ng Enero ang ika-21-taong anibersaryo ng pagpapatupad ng Republic Act (RA) 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Sa press release binigyang-diin ni DENR Secretary Roy A. Cimatu na ang paggunita ng anibersaryo ng RA 9003 ay pagpapaalala sa publiko na palaging isa-isip ang paghihiwalay ng basura at pagtatapon dito ng wasto.

“Now more than ever, the public should be mindful of their consumption as more wastes are produced during the pandemic. May this observance be not just a reminder this month but the start of a long-term habit and behavioral change among Filipinos,” saad ni Cimatu.

Nalagdaan bilang batas ang RA 9003 noong Enero 26, 2001 at mandato nito ang pagkakaroon ng “systematic, comprehensive, and ecological solid waste management program in the country.”

Kaugnay nito ang DENR sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau (EMB) at ng Strategic Communication and Initiatives Service (SCIS) ay magsasagawa ng mga aktibidad para sa anibersaryo ng paglagda sa RA 9003.

Magsasagawa ng webinar sa Enero 14 tungkol sa 3Rs (Reduce, Re-use, Recycle) na dadaluhan ng DENR-EMB central at regional offices, National Solid Waste Management Commission, at ng local government units (LGUs).

Habang sa darating naman na Enero 17 ay muling magkakaroon ng webinar na “Introduction to an Ecological and Sustainable Lifestyle,” at sa Enero 21 naman ay ang “Knowing More About Alternative Packaging.”

Magkakaroon din ng ceremonial turnover ng yellow trash bins para sa healthcare wastes, signing ng memorandum of agreement at deed of donation para sa solid waste equipment, at ang pagbigay ng award sa 143 LGUS na may best practices sa solid waste management sa bawa’t rehiyon simula sa Pebrero.

Ang pagtatapos ng selebrasyon ay gaganapin sa Pebrero 2 bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng paglagda sa RA 9003.

Bilang bahagi din ng selebrasyon sa Pebrero 2, ilulunsad ng DENR  ang Twelve Comics on Solid Waste Management ng DENR-SCIS at Photo Story and Video Contest tungkol sa Solid Waste Management ng DENR-Task Force Tayo ang Kalikasan.

Samantala ayon naman kay DENR Undersecretary for Solid Waste Management and LGUs Concerns Benny D. Antiporda, ang mga aktibidad na ito ay magsisilbing “wake-up call” sa mga mambabatas upang amiyendahan ang dalawang dekada nang batas tungkol sa solid waste management.

“We have always emphasized that solid waste is the last and the least when it comes to any list of priorities,” sabi ni Antiporda.

“Hopefully, with these activities, we can remind the legislators about the importance of amending RA 9003 for stricter penalties for violators, so that once and for all, hindi na last ang solid waste,” dagdag nito. Santi Celario