22 kaso ng rape naitatala araw-araw mula Enero – PNP

22 kaso ng rape naitatala araw-araw mula Enero – PNP

November 19, 2022 @ 11:54 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Umaabot sa 22 kaso ng panggagahasa ang naitatala araw-araw mula Enero 1 hanggang Nobyembre 13 ngayong taon ayon sa datos ng Philippine National Police.

Sa tala ng PNP, sinabi na nakapagtala ng kabuuang 7,197 kaso ng rape sa bansa bagama’t ito ay mas mababa sa naitala noong 2021.

Ani Dr. Lilian Gui, registered psychologist at play therapist, karamihan sa mga suspek sa rape ay kamag-anak pa ng biktima, minsan ay tatay o tiyuhin pa.

“I have also worked with perpetrators. They feel no guilt kasi sa tingin nila ito ay tama, ito ang dapat masunod, ako ang padre de pamilya,” ani Gui.

Ayon naman sa Police Region Office (PRO) Region 11, may 413 kaso ng rape ang naitala sa Davao Region at pinakamataas sa Davao City na may 123 kaso.

Sa naturang bilang, 94 sa mga ito ang menor de edad at nasa 90% ay ginawa pa mismo ng kamag-anak ng mga biktima.

“Ang magandang indication nito is that naglakas ng loob ang ating mga rape victims to report the matter. That’s why ibig sabihin effective ang ating program especially on women’s desk program natin,” pahayag ni PRO11 spokesperson Police Major Eudisan Gultiano. RNT/JGC