22,000 empleyado nag-aplay sa CAMP ng DOLE

22,000 empleyado nag-aplay sa CAMP ng DOLE

January 28, 2022 @ 9:03 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 22,000 manggagawa sa pribadong sektor ang nag-aplay na ngayon ng cash assistance ng gobyerno sa ilalim ng Alert Level 3 na kasalukuyang may bisa sa National Capital Region at iba pang mga lugar.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), pormal na dumaan sa proseso ang nasabing mga manggagawa upang makakuha ng iniaalok na COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) 3.

Higit 5,000 sa kanila ay naaprubahan na base sa evaluation ng regional offices ng DOLE.

Sinabi ni Labor Asst. Secretary Dominique Tutay sa public press briefing na humigit kumulang
12,000 mga aplikasyon ang nakahanda pa rin para sa pagsusuri at higit sa 4,000 ang sinusuri para sa karagdagang beripikasyon.

Inilabas ng DOLE ang guidelines noong nakaraang linggo para sa isang beses na cash aid na P5,000 sa ilalim ng CAMP 3. Ang cash assistance program ay inuuna ang mga tinanggal o naapektuhan ng permanente o pansamantalang pagsasara ng kanilang mga lugar ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng Alert Level 3 sa Metro Manila at iba pang lugar.

Hindi kasama sa cash aid ang mga empleyado ng gobyerno, gayundin ang mga benepisyaryo ng DOLE-Department of Tourism CAMP Odette+ program. Jocelyn Tabangcura-Domenden