$23.6B investment pledges nakamit sa mga biyahe ni PBBM ngayong taon

$23.6B investment pledges nakamit sa mga biyahe ni PBBM ngayong taon

December 23, 2022 @ 1:43 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakapag-uwi ng $23.6 bilyon na investment pledges ang mga naging biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibang bansa ngayong taon.

Tinukoy ang accomplishment report ng Department of Trade and Industry (DTI), ang state visits ni Pangulong Marcos sa Indonesia at Singapore, ang kanyang working visit sa Estados Unidos at maging ang kanyang naging partisipasyon sa ASEAN Summit sa Cambodia at APEC sa Thailand na nagpasok ng bilyong piso na halaga ng mga investments na paraan ng bansa upang mas mahikayat pa ang ibang mga dayuhan na mamuhunan sa bansa.

Sa sidelines ng mga nasabing foreign trips, nakipagpulong si Pangulong Marcos sa mga business communities ng nabanggit na bansa para hikayatin ang mga foreign investors na mamuhunan.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na may ilang letters of intent at memorandums of understanding ang nilagdaan ng Pilipinas kasama ang Indonesian at Singaporean investors para sa P804.78 bilyong halaga ng investments.

Winika pa ng Malakanyang na ang “working visit” ng Pangulo sa New York noong Setyembre ay nakapag-generate ng  $4 bilyong halaga ng investments.

Inimbitahan din ng Pangulo ang Cambodian business leaders, na nasa sektor ng pagkain at agrikultura, na mamuhunan sa Pilipinas.

Ang pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Marcos at business leaders ay nangyari sa sidelines ng ASEAN Summit.

Samantala, nagpahayag naman ang Thai companies ng interes na palawigin ang kanilang presensiya sa Pilipinas ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual sa sidelines ng APEC Summit. Kris Jose