23 benepisyaryo makatatanggap ng ayudang hospitalisasyon sa P’que

23 benepisyaryo makatatanggap ng ayudang hospitalisasyon sa P’que

August 20, 2022 @ 11:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Mahigit 23 guarantee letters ang naipamahagi ni Parañaque City 1st District Rep. Edwin L. Olivarez sa mga residente ng lungsod na lumapit para humingi ng ayuda sa kanya upang makabawas sa kabayaran ng pagkakaospital ng kanilang mga kamag-anakan at pamilya.

Ang mga ipinamahaging guarantee letters ay naka-address sa iba’t-ibang pampubliko at pribadong ospital sa Metro Manila na nagbibigay garantiya na ang tanggapan ni Olivarez ang sasagot sa bahagi ng babayarang bill sa pagkakaospital ng isang pasyente.

Sinabi ni Olivarez na masaya silang tumutulong sa kanilang mga konstituwente sa oras ng kanilang pangangailangan kung saan ginawa ang distribusyon sa First Congressional District Office na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Parañaque City Hall.

Ayon kay Olivarez, alam niyang bahagi lamang ng kabuuang babayarang bill ng pasyente ang kanyang kayang ibigay na tulong ngunit ang anumang kanyang maitutulong ay malaking bagay na ito para sa mga naghihikahos na residente ng lungsod.

Bukod sa hospitalization assistance, ang tanggapan ni Olivarez ay nagkakaloob din ng trabaho at job placement, burial, educational and scholarship gayundin sa emergency financial assistance para sa mga nangangailangang indibidwal sa lungsod.

Napag-alaman na ang congressional district office ni Olivarez ay nakatatanggap ng hindi bababa sa 100 bisita na humihingi ng ayuda kada araw na inaasikaso naman ng kanyang full-time office staff.

Ang naipagkakaloob na ayuda ni Olivarez ay nanggagaling sa regular congressional office budget gayundin na nanggagaling sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pa. James I. Catapusan