ABERYA SA EDSA CAROUSEL

ABERYA SA EDSA CAROUSEL

October 18, 2020 @ 12:13 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

KAPUNA-puna kamakailan ang tila pahirap na EDSA carousel na dapat sana’y kumbinyenteng nasasakyan ng ating mga kababayang commuter.

Paano ba naman, imbes na mapadali at maging magaan ang pagsakay ng mga commuter sa EDSA carousel ay tila dagdag-parusa pa ang nangyayari dahil sa hindi pagbaba nito sa tamang babaan sa kanilang mga pasahero.

Ganito rin ang puna ng commuter advocate group na pinamumunuan ni Atty. Ariel Inton na Lawyers for Commuters Safety and Protection na siyang founder ng grupo kung saan binatikos nito ang ilang transport officials na animo’y nagtuturuan at nagsisisihan kung sinong responsable sa aberyang idinudulot ng EDSA carousel.

Eh, kamakailan lamang maraming mananakay nga ang nagrereklamo sa pagpapababa ng driver ng Carousel sa ‘di tamang babaan, kaya naman maraming commuter ang nagtiis na maglakad habang umuulan makapunta lang sa kanilang dapat na hintayan ng susunod na masasakyan.

Ang sabi nga ni Atty. Inton, dapat ay payagan na at ibalik na ‘yung mga dating ruta. Problema kasi sa kanila ay putol-putol ang mga ruta kaya’t nahihirapan ang ating mga commuter sa sistema na ginagawa ngayon ng mga transport official d’yan sa Department of Transportation.

Idinagdag pa ni Inton na hindi person with disability o PWD friendly ang EDSA carousel bus stops na ipinanukala ng Metropolitan Manila Development Authority dahil bukod sa nasa kaliwa na ang pinto nito, tatlo lang pala ang meron nito.

Sinabi ni Inton na dapat planado ang Edsa carousel at hindi ‘yung kung kailan ipinatutupad saka lang inihahanda at nagkakaroon ng pagbabago na pahirap sa mga pasahero.

Lalo pa umanong nalapit sa transmisyon ng COVID-19 ang mga pasahero sa ipinatupad nilang ito na base sa “trial and error.”

Sayang lang aniya ang mga ginastos para rito, lalo na sa mga barrier na inilagay sa Edsa.

—000—000—000—

Pagpupugay sa mabilis na aksyon ni Mayor Jopet Inton

Ang ating pagpupugay sa alkalde ng Hermosa, Bataan na si Mayor Antonio Joseph “Jopet” Rivera Inton sa kanyang mahusay na pamamalakad sa kanyang bayan.

Aba, sa kabila ng may ilang pasaway sa kanilang bayan ay napananatili pa rin ni Mayor Inton ang kaayusan sa kanilang bayan kaya naman hinahangaan ito ng marami sa kanilang probinsya sa Bataan.

Bukod pa riyan, kamakailan lamang ay ating nakausap si mayor patungkol sa kanilang pinoproblemang landfill sa kanilang bayan kung saan may ilang paglabag palang ginagawa ang private contractor ng nasabing landfill sa kanilang bayan kung kaya’t agad-agad ay ipinatigil at ipinasara ni Mayor Jopet ang naturang landfill sa kanilang lugar.

Akalain mo bang natuklasan ni Mayor Jopet na pati mga basura mula sa mga ospital, mga gamit nang face mask, pati PPEs at iba pang basurang related sa COVID-19 ay itinatapon na rin sa naturang lugar.

Kaya naman agarang umaksyon si Mayor Jopet at ipinasara ang landfill at naghahanda na ng kaukulang kaso laban sa contractor ng landfill bunsod ng nakikita nitong kapabayaan sa pinagtatapunang lugar.

Naniniwala po si Mayor Jopet na maaaring malagay sa tiyak na peligro ang kanyang mga kababayan sa Hermosa Bataan kung hahayaan lamang niyang mag operate ang landfill dahil sa maaaring maging kontaminado ng nakahahawang sakit na COVID-19 ang mga inilalagay na basura at katas nito na posibleng magdulot pa ng pagkalat ng dumi patungong Manila Bay.

Muli, ang aming pagpupugay at pasasalamat sa mabilis na aksyon ni Mayor Jopet sa agarang pagpapasara ng landfill sa kanyang bayan ay paghahabol sa mga responsable sa naturang problema.

—000—000—000—

Pandaigdigang Araw ng Tinapay

Ang aking pagbati sa ating kaibigang si Ka Chito Chavez ng Tinapayan Festival na matatagpuan d’yan po sa Dapitan cor. Don Quijote Sts., Sampaloc, Maynila sa kanilang paggunita ng World Bread Day nitong October 16.

Alam n’yo po ba na riyan sa panaderya ng Tinapayan Festival ay kanilang sinusuportahan at isinusulong ang paggamit ng mga lokal na produktong agrikulturang pananim na pinagmumulan ng masusustansyang tinapay katulad na lamang ng ube at carrots kaya naman nakatutulong din ang kanilang munting panaderya sa ating mga kababayang magsasaka sa mga kanayunan.

Kaya naman dapat nating tangkilikin ang mga lokal na produktong tulad ng kanilang ipinagmamalaking mga dekalidad na tinapay sa swak sa panlasa ng masa. Mabuhay ka Ka Chito and more power!

—000—000—000—-

Para sa inyong komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag text sa ating 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81 at makakaasa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.


  •  
  •  
  •  

Loading...