23M Pinoy na may booster, target ng DOH sa unang 100 araw ni PBBM

23M Pinoy na may booster, target ng DOH sa unang 100 araw ni PBBM

July 19, 2022 @ 10:53 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang nasa 23 milyong Pilipino ng COVID-19 booster shots sa loob ng unang 100 araw ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“We need to ramp up our vaccinations. We have a target for the first 100 days of this current administration,” ani DOH officer-in-charge at Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa TeleRadyo. If we are able to achieve that in these 100 days, then diyan po tayo mag-uusap kung mayroon tayong panibago o further easing of restrictions,” dagdag pa niya.

Nauna nang iniatas ni Marcos ang ahensya na gawing mas accessible sa publiko ang COVID-19 boosters, dagdag pa ni Vergeire.

“He (Marcos) was very keen dito sa booster doses. Talagang he values yung sinasabi ng ebidensya na itong booster talagang would really up the immunity of the population.”

Sa 55 milyong Pilipinong ganap na nabakunahan laban sa COVID-19, 15 milyong indibidwal lamang ang naka-avail ng booster doses, ayon sa datos ng DOH.

Upang maabot ang target, ang DOH at iba pang implementing units ay kailangang magpabakuna ng humigit-kumulang 397,000 katao kada araw sa susunod na 80 araw, ani Vergeire.

“Noong sinubukan naming tingnan ang capacity ng bawat site na meron kami, yun pong capacity natin per day… kaya po natin,” pagsisiguro ng DOH OIC.

“If and when we can improve on our booster coverage, we can be able to confidently say na ito puwede na nating luwagan, ayan puwede na nating tanggalin,” aniya pa.

Nagpaplano ang DOH na magbigay ng mga insentibo sa mga indibidwal, gayundin at mga local government units na matagumpay na maabot ang mga target na booster dose, sinabi pa ng Undersecretary.

Posibleng kasama sa mga insentibong ito ang “pagluwag sa ilang mga paghihigpit sa mga lugar kung at kapag naabot natin ang isang tiyak na saklaw,” aniya.

“Wala pang pinal tungkol sa mga incentive na ito. Pinaplano ito,” pagliliwanag naman ni Vergeire. RNT