24 nakaligtas, 3 mangingisda patuloy na pinaghahanap – PCG

24 nakaligtas, 3 mangingisda patuloy na pinaghahanap – PCG

December 26, 2022 @ 6:51 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagsasagawa ngayon ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa tatlong mangingisda na hindi na nakabalik sa kanilang bahay noong Pasko matapos mangisda sa Bato, Catanduanes.

Dalawang mangingisda ang sakay ng motorbanca at umalis ng Barangay San Vicente habang ang dalawa pang mangingisda ay umalis naman ng Barangay Palnab Del Norte — sa Virac, Catanduanes — noong Disyembre 23 ngunit hindi na nakabalik sa kanilang pamilya.

Sa SAR operations, isang stranded na mangingisda ang natagpuan
sa baybayin ng Barangay Nagcalsot sa Rapu-Rapu, Albay.

Siya ay kinilalang si Norman Lim, residente ng Barangay Planab, Virac, Catanduanes na nasa maayos nang kalagayan.

Sa ngayon ay hindi pa nahahanap ang nawawalang mangingisda na sina:

1) Domingo Borrila Jr, 44
2) Jason Mandasoc, 39
3) Arnel Araojo, 46

Ayon sa PCG, ipagpapatuloy ang SAR operations kapag gumanda na ang lagay ng panahon.

Inabisuhan na ang mga coastal communities at mga mariners na ipagbigay alam sa PCG sakaling makita ang mga mangingisda.

Samantala, iniligtas ng mga Philippine Coast Guard (PCG) personnel ang 23 mangingisda na sakay dalawang bangkang halos lumubog sa katubigan ng Sangali, Zamboanga City kahapon. Disyembre 25.

Gamit ang PCG-manned BFAR vessel, MCS 3006, nag-deploy ng dalawang rigid hull inflatable boat (RHIB) para magsagawa ng rescue operation.

Ayon sa mga mangingisda, naganap ang insidente dahil sa malalakas na hangin at malalaking alon sa kalagitnaan ng kanilang pangingisda.

Pagkatapos ng imbestigasyon, inihatid ang sila sa pinakamalapit na pantalan para makauwi sa kani-kanilang tahanan. Jocelyn Tabangcura-Domenden