24K sumukong NPA tagumpay ng NTF-ELCAC – Badoy

24K sumukong NPA tagumpay ng NTF-ELCAC – Badoy

April 6, 2022 @ 9:07 AM 3 months ago


Manila, Philippines-Ang halos 24,000 nagsisukong komunistang-terorista ay katibayan ng tagumpay ng “whole-of-nation approach” sa pinatutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte na Executive Order No. 70 na siya ring bumuo sa National Task Force to End Local Communists Armed Conflict, upang magbigay-daan sa tunay na kapayapaan sa bansa.

Ito ang naging pahayag ng NTF-ELCAC sa pamamagitan ng tagapagsalita nito para sa Sectoral Concerns at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy sa lingguhang balitaan kahapon, bilang kasagutan sa mga walang basehan na pahayag ng nakakulong at re-electionist na Senador Leila de Lima na sablay ang task force at si Pangulong Duterte sa laban ng mga ito sa mga komunistang-terorista.

“She (De Lima) must have been talking about herself as she is in a desperate situation. She’s not free for being a corrupt. Very unfit for national office,” ang patungkol ni Badoy kay De Lima na ngayon ay nakakulong pa rin sa isyu ng korapsyon.

Iniulat naman ni Navy Captain Navy Capt Ferdinand Buscato, Executive Director ng Task Force Balik Loob, na sa 23,641 nagsisuko na sa pamahalaan, 2,052 ay talaga namang ‘violent extremists.’

Ngunit halos lahat sa bilang, ang sabi ni Buscato ay namumuhay na nang maayos matapos na sila ay nagsisuko, at tinulungan ng pamahalaan, kasama ang tiyak nilang mga kabuhayan.

Magpapatuloy na BDP

Iniulat naman ni Director Monico Batle, NTF-ELCAC Action Officer ng Barangay Development Program, na ang unang batch na 822 barangay na dating pinamunugaran ng New People’s Army, ang armadong grupo ng Communist Party of the Philippine, ay namumuhay na rin nang tahimik at nabuhusan na ng mga proyektong galing sa BDP.

Ang pangalawang batch, aniya, na 1,406 barangay sa mga liblib na lugar ng bansa ay nakatanggap din ng BDP kahit na ang budget nito ay tinapyasan na ng mga senador mula P20 milyon sa P4 milyon na lamang.

“The Department of Agriculture has agreed to shoulder P12 million intended for farm to market roads which is very important for this barangay even if it is only good for 1 kilometer,” paliwanag pa ni Batle. Ito raw ay para ‘di na bumalik sa pamememeste ang mga komunistang-terorista.

Ang pangatlong batch na mabibiyayaan ng BDP ay kasama rin ang mga barangay na pinamugaran ng NPA kahit noong ‘di pa nakaupo si Pangulong Duterte.

Ayon kay Batle, 1,550 ang mga barangay na ito,  at naniniwala siyang hindi magagalaw o kayang balewalain ng susunod na Pangulo ng bansa ang programang ito, dahil naisabatas na at naisama na ang BDP projects sa General Appropriations Act. RNT