25 points ni Animam kinapos vs Kraljevo

25 points ni Animam kinapos vs Kraljevo

October 17, 2021 @ 5:38 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling nagpakita si Pinay Jack Animam ng mala-halimaw na laro sa First Women’s Basketball League sa Serbia sa naging pagkatalo ng kanyang team na Radnicki Kragujevac kontra sa ZKK Kraljevo, 63-86, ngayong Linggo ng umaga Kraljevo Sports Hall.

Nagtapos si Animam na may double-double figure na 25 points at 19 rebounds kasama ang isang steal sa 28 minutes na paglalaro.

Pero nasayang lang ang kanyang nagawang puntos matapos malasap ng Radnicki ang ikalawang sunod na pagkatalo, 1-2 na kartada, sa 12-team tournament.

Kahit natalo nagpakita ang 22-year-old na sentro ng magandang laro matapos kumamada ng 16 points at nine boards sa first half pero natambakan ang kanilang team sa iskor na 49-33 sa pagtatapos ng 2nd quarter.

Natapyas ng Radnicki ang kalamangan sa 10, 57-47, matapos ang 14-8 run sa pagsisimula ng third canto pero ang muling umarangkada ang home team Kraljevo at pinalawig ang kanilang kalamangan sa 20 points, 70-50.

Tinangka pa ni Animam na lumaban at kumamada ng 13 points pero talagang mas malakas ang  team ng Kraljevo kontra sa bumisitang koponan.

Target ni Animam na lampasan ang 7-15 finish ng Radnicki noong huling season at makapasok sa top 4 sa pagtatapos ng elimination upang makapaglaro sa playoffs.

Patuloy ang pakamada ni Animam ng double-double outputs simula nang maglaro ito sa kanyang professional career sa Serbia kung saan nagbagsak ito ng 20 points at 14 rebounds sa unang panalo nila kontra sa Proleter 023.

Maganda rin ang laro nito at pumuntos ng 29 markers at 12 boards sa pagkatalo ng Radnicki kontra sa reigning champion ZKK Crvena Zvezda.

Muling maglalaro ang Radnicki sa October 23 kontra Duga Sabac.Rico Navarro