256 dagdag PUVs bibigyan ng special permit sa Undas

256 dagdag PUVs bibigyan ng special permit sa Undas

October 26, 2022 @ 1:43 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mabibigyan ng special permit ang nasa 256 na mga public utility vehicles (PUVs) upang umalalay sa mga pasahero sa paparating na Undas.

Ito ang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes, Oktubre 25.

Ayon kay LTFRB technical division chief, Joel Bolano, nasa 256 PUVs na ang nag-apply para sa naturang special permit na inaasahang ilalabas bago mag-Oktubre 28.

“The board will release these [permits] before Friday so they can start their out-of-line operations on Friday,” pahayag ni Bolano.

Ang special permit sa mga PUVs ay ibinibigay ng LTFRB sa mga aplikanteng nagpasa ng kumpletong requirements tulad ng certificate of registration, franchise verification, at personal passenger insurance policy.

Sa pamamagitan ng mga special permit ay matutugunan pa rin ang pangangailangan sa mga sasakyan sa kabila ng dagsa ng mga biyahero sa paparating na Undas.

“We opened the application period on October 3, and we continue to inspect terminals,” sabi ni Bolano.

Ayon sa LTFRB, dadagdag ang 256 na aplikasyon sa 650 na kasalukuyang bumibyaheng PUVs. RNT/JGC