26 rebelde, nagbalik-loob sa PH gov’t

26 rebelde, nagbalik-loob sa PH gov’t

January 24, 2023 @ 7:40 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nakipagdaupang-palad si Secretary of Interior and Local Government Atty. Benhur Abalos Jr. sa rebel returnees kanina sa Hinirang Hall National Capital Region Police Office at tiniyak na may mga kapatid sa gobyerno na handang tumulong sa kanila lalo na sa sandali ng pangangailangan.

(Mga larawan kuha ni Cesar Morales)

Ibinigay pa ni Secretary Abalos ang kanyang cellphone number upang madaling maiparating ng mga nagbalik-loob sa gobyerno ang kanilang mga daing.

Sabi ng Kalihim, mabait si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at gagawin nito ang makabubuti sa sambayanan.

Sa isang simpleng seremonya ng withdrawal of allegiance ng mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDF, sinabi ng kinatawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief PMGen Jonnel Estomo na ito na ang ika-anim na pagkakataon na sumuko ang ilang makakaliwang grupo sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.

Sa harap ng mga mamamahayag ay ipinakita ng surrenderees ang kanilang malayang pagtiwalag sa kilusan sa pamamagitan ng pagpunit ng kanilang bandila at pagbaba ng kanilang armas bilang patunay ng kanilang pagtalikod sa organisasyon matapos ang ilang dekadang paghihirap sa kabundukan.

Sa tulong ng ilang mga dating nakasama sa kilusan na nagbalik-loob na rin sa pamahalaan ay hindi na sila nagdalawang-isip na bawiin ang katapatan sa komunistang grupo. Dave Baluyot