264,000 bakanteng posisyon sa gobyerno: kung ayaw punan, lusawin nalang – Diokno

264,000 bakanteng posisyon sa gobyerno: kung ayaw punan, lusawin nalang – Diokno

August 2, 2018 @ 7:34 AM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Pinapupunan ng Department of Budget and Management (DBM) ang nasa 264,000 bakanteng posisyon sa iba’t ibang sangay at ahensiya ng gobyerno dahil kung hindi ay lulusawin nalang ito.

Sa isang forum sa Maynila kahapon (August 1), sinabi ni DBM Secretary Benjamin Diokno na hanggang nitong July 30, nasa 264,000 ang mga bakanteng posisyon ang hindi nalalagyan ng tao.

“The DBM will be issuing a circular directing all agencies to fill all authorized positions available to them or risk abolition of positions left unfilled after five years from creation,” babala ni Diokno.

Dagdag pa ni Diokno, makikipag-ugnayan umano ang DBM sa mga ahensiya ng gobyerno kung ano ang mga posisyon na dapat alisin.

“We are going to ask them, ano ‘yung gusto niyo i-abolish dito? Para mag-clean up na rin,” saad niya. “Pero ‘yung mga necessary positions such as teachers, lawyers, they should be filled up.”

Ayon kay Diokno, nasa 125,000 na bakanteng trabaho ay may kaugnayan sa pagtuturo at mga katulad na trabaho habang mahigit sa 90,000 naman ay may kaugnayan sa general civil servants.

Para sa military at uniformed personnel, may bakante ring mahigit sa 34,000 na posisyon at 14,000 pa para sa medical at mga katulad na trabaho.

Sinabi pa ng kalihim na madadagdagan pa ang mga bakanteng posisyon sa mga kawani ng gobyerno sa 2019 budget.

“Around 10,000 new positions for teachers, 10,000 new positions for policemen, 3,000 positions for firemen, and 2,000 positions for jail officers are slated to be opened in 2019,” aniya. Remate News Team