2,700 passports ‘di naihatid dahil sa maling address- DFA

2,700 passports ‘di naihatid dahil sa maling address- DFA

January 18, 2022 @ 3:00 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Halos 2,700 passports ang hindi naihatid ng ilang courier services dahil hindi kumpleto ang address na inilagay ng mga aplikante, base sa Department of Foreign Affairs.

Inilahad ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay na prinoseso ang mga passport na ito sa kanilang temporary off-site passport services sites.

“Marami dun sa mga kumukuha ng passport natin pag naga-apply sila ay meron diyan hindi naman ganun kalaki ang porsiyento pero kung minsan umaabot ng mga 3-5 porsiyento ng aming aplikante ay kung minsan ‘yung kanilang address ay hindi nakokompleto kaya hindi nahahanap ng ating courier,” sabi niya.

Patuloy ni Dulay, sinusubukan ng courier na ihatid ang passport sa mga aplikante nang tatlong beses. Tinatawagan din aniya ng mga courier ang aplikante sa kanilang inilagay na contact number at email address. Sakaling hindi pa rin sumagot ang aplikante, isasauli na ito sa DFA.

Ani Dulay, maaaring ma-pick up ang mga passport sa kanilang designated claiming sites. Kailangan lamang muna umanong mag-email ng aplikante sa DFA bago pumunta roon.

Pansamantalang sarado ang DFA consular offices hanggang Enero 20 dahil sa coronavirus disease (COVID-19). RNT/SA