27M Pinoy, obese!

27M Pinoy, obese!

July 18, 2022 @ 10:39 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot sa 27 milyong Pilipino ang obese.

Sinabi ito ng isang opisyal ng National Nutrition Council (NNC).

Ang nasabing impormasyon ay batay sa kamakailang datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), ani NNC Nutrition Information and Education Division Chief Jovita Raval.

Sa isang panayam sa radyo noong Linggo, Hulyo 17, binanggit ni Raval na 3.6 milyong kabataan o hanggang 19 taong gulang ang obese.

“Sa adults, 20.8 million…so halos apat sa bawat sample na adults ay obese. Sa elderly medyo bumaba na at 2.6 million. Overall, 27 million pag pinagsama-sama lahat” aniya.

Tinukoy ng World Health Organization ang labis na katabaan at sobrang timbang “as abnormal or excessive fat accumulation that presents a risk to health. A body mass index (BMI) over 25 is considered overweight, and over 30 is obese.”

“Sa buong mundo, talagang tumataas siya sa lahat ng bansa. Habang mas nagiging developed or urbanized ang lugar, mas tumataas at wala pa talagang bansa na nakakapagpababa” dagdag pa ni Raval.

Ang sobrang pagkonsumo ng “highly-processed food” at sweetened beverages gayundin ang kakulangan ng physical activity ay maaaring humantong sa obesity, ani Raval.

Sinabi ni Raval na pinalalakas nila ang kanilang information campaign tungkol sa obesity dahil isa ito sa mga interbensyon para mabawasan ang obesity rate sa bansa.

“Kailangan talaga pagtuunan ng mga population-based na approaches kasama diyan yung pagkakaroon ng taxation halimbawa sa mga hindi masustansyang pagkain,” aniya.

“Paglilimita ng hindi healthy…. yung harmful na marketing sa mga bata, kasi isa iyan sa nagi-impluwensya sa kanila sa pagbili at pagkain ng hindi masustansya,” dagdag pa niya.

Hinikayat din ni Raval ang mga local government units na higpitan ang pagbebenta ng hindi masustansyang pagkain malapit sa mga paaralan. RNT