27th ASEAN Labor Ministers’ Meeting, gaganapin sa Pinas

27th ASEAN Labor Ministers’ Meeting, gaganapin sa Pinas

October 23, 2022 @ 4:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Gaganapin ang ika-27 ASEAN Labor Ministers’ Meeting (ALMM) sa Pilipinas, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Linggo.

Ang pulong ay tututok sa mga programa kung paano makarerekober ang rehiyon sa pagsapit ng “post-pandemic.”

Pamumunuan ni Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma ang pagpupulong ukol sa pangkalahatan at tuloy-tuloy na programa para sa mga manggagawa lalo na ang mga nawalan ng trabaho.

Inaasahang darating sa bansa mula Oktubre 25 hanggang 29 ang mga labor ministers at mga senior labor officials ng 10 bansang kaanib ng ASEAN.

Kasabay nito ang pagkakasa rin ng mga pulong ng ASEAN Plus Three (China, Japan at South Korea).

Partikular na pag-uusapan ng mga pinuno ang mga prayoridad sa rehiyon tulad ng pagbibigay ng trabaho at deployment ng mga manggagawa sa iba’t ibang sektor, pagbibigay ng mga pagsasanay sa kanila at maayos na kondisyon.

Tatalakayin din ang pagpapataas sa antas ng kasanayan ng mga manggagawa, “digitalization, climate change at green jobs”, at migration at proteksyon.

Isusulong naman ng Pilipinas ang modernisasyon ng agrikultura at seguridad sa pagkain sa rehiyon, pagresponde sa kawalan ng trabaho sa mga kanayunan, pagsolusyon sa mataas na presyo ng pagkain at inflation. Jocelyn Tabangcura-Domenden