28 patay, 11 sugatan, 3 nawawala sa walang-patid na ulan

28 patay, 11 sugatan, 3 nawawala sa walang-patid na ulan

January 17, 2023 @ 7:40 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 28 ang bilang ng mga nasawi matapos ang patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula noong Enero 2, iniulat ng mga opisyal ng disaster response nitong Lunes.

Nakapagtala ang Office of Civil Defense (OCD) ng kabuuang 1,397,296 na apektadong indibidwal na may 11 nasugatan at tatlong nawawala.

Dahil sa kamakailang mga low pressure area (LPAs), shear line at northeast monsoon o amihan, humigit-kumulang ₱274.1 milyong halaga ng pinsala sa agrikultura at ₱171.5 milyong halaga ng pinsala sa imprastraktura ang naiulat din.

Ayon sa OCD, humigit-kumulang ₱74.237 milyong halaga ng tulong ang naipamahagi sa mga indibidwal na naapektuhan ng gulo ng panahon.

Apektado ngayon ng masamang panahon ang rehiyon II, III, Calabarzon, Mimaropa, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI at BARMM, kung saan 10 lugar ang nagdeklara ng state of calamity. RNT