280 tsikiting pinasaya ng Pasay mayor sa Star City

280 tsikiting pinasaya ng Pasay mayor sa Star City

August 13, 2022 @ 9:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kaugnay sa kanyang pagdiriwang ng kaarawan sa darating na Agosto 16 ay nagkaloob ng isang ‘advanced birthday treat’ sa Star City si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nagbigay ligaya sa 280 tsikiting na residente ng lungsod.

Ang aktibidad ng maagang pagdiriwang ng kaarawan ni Calixto-Rubiano na may temang “Batang Masaya” ay ginanap sa pakikipag-ugnayan sa Star City mula ala 1 hanggang alas 6 ng gabi nitong Agosto 11.

Personal na sinamahan ni Calixto-Rubiano ang 280 kabataan na residente ng lungsod kung saan ang lahat ng mga bata ay nakaramdam ng walang humpay na kaligayahan sa pagsakay sa kanilang gustong sakyan na mga rides sa Star City gayundin sa pagkain na ipinagkaloob ng alkalde ng lungsod.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang kanyang pagdadala sa mga bata sa Star City ay nagbigay din sa kanya ng kaligayahan na tulad ng isang bata na nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Ayon kay Calixto-Rubiano, bilang isang ina ng lungsod ay nais din niyang maramdaman ng mga bata ang kanyang pagmamahal sa mga ito tulad ng isang ina para sa lahat ng residente ng lungsod.

Kasabay nito, bukod pa sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga kabataan ay nagsagawa din ang lokal na pamahalaan ng aktibidad ng blood donation na tinawag na “Type Mo, Type Ko.”

Sinabi ni Calixto-Rubiano na imbis na siya ang pagkalooban ng regalo sa kanyang kaarawan ay nanawagan ang alkalde sa mga residente na mag-donate ng dugo sa kanilang blood-letting activity na makasasalba pa ng buhay ng isang tao.

Pinaalalahanan din ni Calixto-Rubiano ang mga residente na nais mag-donate ng dugo na ang mga ito ay kinakailangang nasa 18-taong gulang pataas, fully vaccinated laban sa COVID-19, malakas ang pangangatawan at hindi umiinom ng kahit anong maintenance medicine.

Ginanap ang blood-letting activity sa Cuneta Astrodome mula alas alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ay pinangasiwaan ng City Health Office (CHO) na pinamumunuan ni Dra. Malou San Juan. James I. Catapusan