284 todas sa rabies – DOH

284 todas sa rabies – DOH

October 14, 2022 @ 7:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health na umabot na sa 284 indibidwal ang nasawi dahil sa rabies buhat sa kagat ng mga hayop.

Ayon sa DOH, ang 284 kaso na naitala mula Enero 1 hanggang Oktubre 1 ay mas mataas ng 33% kumpara sa 70 kaso na naitala sa parehong panahon noong 2021.

Sa mga biktima, 71% o 201 ay mga lalaki habang 14% o 41 ay may edad 60-taong gulang pataas.

Mula sa kagat ng aso naman ang 86% sa mga tinamaan ng rabies.

Nasa 128 o 52% ng mga asong ito ay “domesticated” o alaga pero 86 o 67% sa mga ito ay hindi nabakunahan ng “anti-rabies vaccine”.

Paalala ng DOH sa publiko, na agad isangguni sa pinakamalapit na ospital kapag nakagat ng hayop dahil sa 72% ng mga nasawi sa rabies ay hindi dumaan sa “post-exposure prophylaxis” o gamutan para malabanan ang pagkalat nito.

Sa kabila nito, ipinaliwanag ng DOH na bumaba na ng 53% ang naitatalang kaso kada buwan.

Mula sa 22 kaso na naitala noong Agosto 21 hanggang Setyembre 3, pito na lamang ang naitala mula Setyembre 18 hanggang Oktubre 1.

Pinakamaraming kaso ng rabies ang natukoy sa Region 3 (42), kasunod ang Calabarzon (34), Regions 11 at 12 (29) at Region 6 (24). Jocelyn Tabangcura-Domenden