29 sugatan sa paputok sa Region 2

29 sugatan sa paputok sa Region 2

January 3, 2022 @ 9:25 AM 8 months ago


Cagayan Valley – Naitala ang 29 kaso ng nasugatan sa paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Rehiyon 2.

Sa datos ng DOH Region 2, mas mataas ito ng 17 kaso kung ihahambing noong nakalipas na taon na mayroong labindalawang kaso lamang.

Kung saan ay dalawamput anim o 90% sa nasabing mga kaso ay mga lalaki na nasa edad lima hanggang animnaput lima.

Halos labing apat o 48% ng mga kaso ay nagmula sa lalawigan ng Isabela.

Pinakamarami sa mga kaso ay mga nasabugan o nagtamo ng paso at naputulan ng daliri sa kamay.

Sa pagsisiyasat ng kapulisan ay 71% sa mga ito ay nangyari sa kani-kanilang mga bahay, labing anim ang direktang gumamit ng paputok habang labintatlo naman ang nadamay lamang.

Lahat ng mga biktima ay nadala sa mga ospital upang malapatan ng lunas at napauwi rin sa kanilang bahay na magpagaling maliban ang isa na nananatili pa sa Santiago Medical City.

Sa panayam ng REMATE kay PCol. James Melad Cipriano, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ay walang naitalang kaso ng firecracker ingestion at stray bullet injury at wala ring naitalang namatay kung saan ay maituturing na naging payapa ang pagsalubong ng Bagong Taon.

Samantala, nakatakdang sisirain ngayong araw ng Police Regional Office o PRO2 ang kanilang halos tatlong daan illegal na paputok na  nasamsam sa isinagawang operasyon sa ibat-ibang lugar dito sa nasabing rehiyon. (Rey Velasco)