2K abandoned balikbayan box maihahatid na bago mag-Pasko – BOC

2K abandoned balikbayan box maihahatid na bago mag-Pasko – BOC

November 20, 2022 @ 1:28 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Bureau of Customs (BOC) nitong Linggo, Nobyembre 20 na maihahatid na ang nalalabing humigit-kumulang 200 abandonadong balikbayan box sa isang warehouse sa Bulacan bago sumapit ang Pasko.

Ito ang sinabi ni BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr. sa panayam ng DZBB kubg saan sisimulan na nila ngayong linggo ang libreng delivery ng balikbayan box sa mga probinsya.

“‘Yun ang pinipilit at pinagdadasal natin na…mai-deliver ito bago mag-Pasko. Mahigit kumulang na lang naman na mga 2,000 balikbayan boxes na natitira dito sa Balagtas, Bulacan,” aniya.

Matatandaan na nagkaroon ng tensyon kamakailan sa isang warehouse sa Bulacan kung saan nagkaroon ng kalituhan sa paghahatid at paglalabas ng mahigit 4,600 balikbayan boxes.

Pawang nagmula sa Middle East ang mga ito na sinasabing inabandona ng foreign courier services.

Ani dela Torre, kasalukuyang nagpapatuloy ang pagkuha ng mga recipients ng mga package sa naturang warehouse.

Kailangan lamang umano na magdala ng authorization letter, valid ID, at kopya ng passport ng nagpadala kung nais itong personal na kunin.

Idiniin din niya na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMW) upang panagutin ang mga consolidators at freight forwarding entities sa abandonadong balikbayan boxes

“Ngayong Monday, bukas, magkakaroon ng pagpupulong uli ang ating legal team para sa pagpa-finalize ng mga dokumento para maasikaso na ang pagsasampa ng kaso,” ani dela Torre. RNT/JGC