2K arawang kaso ng COVID asahan

2K arawang kaso ng COVID asahan

October 3, 2022 @ 7:23 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Malayo pang matapos ang pandemya sa bansa dahil inaasahan na mananatili ang 2,000 kaso ng COVID-19 kada araw hanggang katapusan ng taon, ayon sa UP COVID-19 Pandemic Response Team.

“Even before, we are projecting that this kind of dynamic will happen even until the end of 2022. This implies that hindi pa tapos ‘yung pandemic,” sinabi ni Dr. Jomar Rabajante.

Pero diin ni Rabajante na kayang pamahalaan ang healthcare utilization kahit pa mataas ang naitatalang arawang kaso sa bansa.

Nitong Linggo ng hapon, Oktubre 2 ay nakapagtala ang bansa ng 2,117 bagong kaso ng COVID-19. Sa naturang bilang, 908 sa mga kaso ang mula sa National Capital Region (NCR).

Apela ni Rabajante, suriing mabuti ng pamahalaan ang mga pagluluwag sa restriksyon lalo na ang paglabas-pasok ng mga dayuhan at Pilipino sa bansa.

“Let’s say we can suppress the cases but our borders are open. People can still import COVID-19 to the Philippines, with possibly new variants,” ani Rabajante.

Hinimok pa rin nito ang publiko na patuloy na magsuot ng face mask lalo na kung maraming tao habang nagbabala rin siya na maaaring kumalat ang virus sa mga paaralan kung hindi magiging maayos ang bentilasyon ng mga ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden