2K balikbayan boxes ipadadala na ng Customs

2K balikbayan boxes ipadadala na ng Customs

December 2, 2022 @ 8:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na higit-kumulang 2,000 delayed na balikbayan boxes na nagmula sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang maihahatid sa kani-kanilang pamilya o mahal sa buhay sa loob ng isang linggo.

Ayon kay BOC Spokesperson Arnold Dela Torre Jr., sinimulan na umano ng kanilang ahensiya ang paghahanda ng mga kahon.

“Nakapag-deliver na po tayo ng 4,000 at we are expecting na within this week po mayroon na tayong preparation, naka-ready o naka-deploy para mai-deliver na ito sa mga malalayong probinsya,” ani Dela Torre.

Paliwanag ni Dela Torre, halos isang taon naantala ang paghahatid ng mga kahon na ito matapos itong abandonahin ng ilang forwarding company. Aniya, may mga legal na aksyon ang isinasagawa laban sa mga kompanyang ito.

Siniguro naman ni Dela Torre na may mahalaga silang isinasagawang proseso para sa mga balikbayan boxes na ito para hindi maitambak at maantala sa paghahatid.

Ang mga kahon ay dadaan sa isang “non-intrusive inspection system” at sasailalim lamang sa isang personal na pagsusuri kung ang mga nilalaman nito ay kaduda-duda o napapailalim sa mga tungkulin at buwis.

Kaugnay nito, sinabi naman ng Philippine Ports Authority (PPA) na patuloy silang tutulong sa paghahatid ng mga balikbayan boxes.

Ayon kay PPA Spokesperson Eunice Samonte, nitong araw ng Huwebes ay walang naiulat na pagsisikip sa alinmang daungan sa bansa sa kabila ng pagtaas ng mga aktibidad sa pantalan dahil sa Kapaskuhan.

Aniya, sa timeline umano ng delivery ng mga balikbayan box ay nasa isang linggo ang para sa domestic at kapag naman foreign o international ay nasa 1-2 buwan.

Pinaalalahanan naman ni Samonte ang mga manlalakbay na gagamit ng mga daungan na mag-ingat sa mga ilang indibidwal na nangongolekta ng karagdagang bayad para sa insurance.

“Wala pong sinisingil dapat na dagdag na insurance kapag sasakay kayo at nasa pantalan. Kaya pinaalalahanan namin sila na ireport iyan agad sa port police”, ani Samonte. Jay Reyes