2K ektarya ng coral, mangrove wawasakin ng Mindoro oil spill

2K ektarya ng coral, mangrove wawasakin ng Mindoro oil spill

March 4, 2023 @ 8:55 AM 3 weeks ago


Sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Biyernes na mahigit 2,000 ektarya ng coral reef, mangroves, at seagrass ang posibleng maapektuhan sa lumubog na motor tanker na may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil sa Naujan, Oriental Mindoro.

Batay sa inisyal na natuklasan, sinabi ng DENR na tinatayang 591 ektarya ng coral reef, 1,626 ektarya ng bakawan at 362 ektarya ng seagrass o seaweeds ang posibleng maapektuhan.

Sinabi rin ng DENR na mayroong 21 locally managed marine protected areas na matatagpuan sa Oriental Mindoro.

Nasa panganib din ang Verde Island Passage—ang kinikilala sa buong mundo na sentro ng sentro ng marine shorefish biodiversity—ayon sa mapa ng potensyal na epekto ng DENR batay sa huling alam na lokasyon ng MT Princess Empress.

Sa ngayon, ang pinaka-apektadong lugar ay ang bayan ng Pola, na nagdeklara na ng state of calamity dahil umitim na ang tubig dagat at dalampasigan doon habang iba’t ibang uri ng isda ang napaulat na namatay.

Samantala, ang University of the Philippines- Diliman College of Science Marine Science Institute (UPD-CS MSI) ay naglabas ng pahayag na nagsasabing ang oil spill ay maaaring makaapekto sa 24,000 ektarya ng coral reef —isa at kalahating beses ang lawak ng Quezon City. RNT