2M studes nag-aplay sa educ’l cash aid pero 400K lang maaayudahan-DSWD

2M studes nag-aplay sa educ’l cash aid pero 400K lang maaayudahan-DSWD

September 6, 2022 @ 8:58 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi lahat ng mga estudyante na lumagda sa educational assistance program ay makatatanggap ng cash aid.

Sinabi ni DSWD spokesperson Romel Lopez, ang aplikasyon para sa programa ay umabot na sa dalawang milyon subalit 20% lamang ng dalawang milyon o 400,000 estudyante ang masasakop ng ₱1.5-billion budget.

“‘Wag naman po ikasasama ng loob ng ating mga kababayan kung sila man po ay hindi maaabot ng ating programa,” ayon kay Lopez.

Aniya pa, ang aplikasyon para sa aid program ay sasalain sa pamamagitan ng mahigpit na assessment sa mga dokumento na isasagawa ng mga social workers.

Tanging ang mga aplikante na mapatutunayan na mahirap at nahaharap sa matinding krisis ay tatanggapin at makapapasa bilang benepisaryo.

Sa ngayon, sinabi ni Lopez na nakapagpalabas na ang DSWD ng ₱649 milyong piso para sa 257,285 estudyante.

Ang programang ito ay tatakbo ng hanggang Setyembre
24.

“Mga almost ₱900 million pa po ang pondong nalalabi at naniniwala po tayong sapat po ito hanggang sa last payout natin sa Sept. 24,” ang wika ni Lopez.

Samantala, kaagad namang magpapatuloy ang payout sa mga lugar na apektado ng Tropical Depression Gardo at Typhoon Henry sa oras na naisaayos na ang mga field offices.

Ang mga off-site assistance payout ay nagsimula sa lalawigan ng Iloilo, Rizal, at Aurora, ang mga estudyante sa mga nasabing lalawigan ay walang access sa internet. Kris Jose