2nd booster coverage sa P’que 13% pa lang

2nd booster coverage sa P’que 13% pa lang

September 20, 2022 @ 10:04 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez ang mga residente sa kanyang nasasakupan na magpaturok ng ikalawang booster shot kontra COVID-19 makaraang makapagtala ang lokal na pamahalaan ng 13 porsiyento o katumbas lamang ng 46,000 indibidwal ang tumanggap ng naturang bakuna sa lungsod.

Sinabi ni Olivarez na sa kabila ng pagiging ika-6 na puwesto ng lungsod na mayroong pinakamataas na vaccination rate sa buong bansa na mayroong 156 porsiyento sa unang dose at 151 porsiyento naman sa ikalawang dose ay naging mababa naman ang datos na naitala para sa mga indibidwal na naturukan ng ikalawang booster shot.

Kasabay nito ay inatasan ni Olivarez ang City Health Office (CHO) na palawakin ang pagbibigay ng impormasyon sa lahat ng residente ng lungsod tungkol sa kahalagahan ng pagpapaturok ng booster shots.

Ayon pa kay Olivarez na ang pagtuturok ng bakuna laban sa COVID-19 ay magpapatuloy sa iba’t-ibang vaccination sites gayundin sa 16 na barangay health centers sa lungsod.

Dagdag pa ni Olivarez na nag-organisa rin ang lokal na pamahalaan ng one-stop-shop medical caravan na mag-iikot sa buong lungsod upang magbigay ng basic medical services pati na rin nang pagtuturok ng COVID-19 vaccines para sa mga indibidwal na hindi makapunta sa mga vaccination sites.

Ani pa ni Olivarez na ang iskedyul ng medical caravan ay matutunghayan na nakapaskil sa opisyal na Facebook page ng Parañaque City Public Information Office (PIO). (James I. Catapusan)