2nd booster nakapagpapababa ng COVID-19 death rate – Israeli study

2nd booster nakapagpapababa ng COVID-19 death rate – Israeli study

March 28, 2022 @ 8:48 AM 3 months ago


JERUSALEM- Lumabas sa isang pag-aaral sa Israel nitong Linggo na ang mga senior citizen na naturukan ng ikalawang Pfizer–BioNTech booster shot laban sa coronavirus disease (COVID-19) ay may 78 porsyentong lower mortality rate kumpara sa mga isang beses lamang naturukan ng booster.

Inilahad ng Clalit Health Services, pinakamalaking healthcare provider ng bansa na kabilang sa 40-day study ang mahigit kalahating milyong indibidwal na 60 hanggang 100-anyos.

Sa mga nakilahok sa pag-aaral, 58 porsyento ang naturukan ng ikalawang booster shot- o dalawang karagdagang bakuna sa basic two-shot regimen. Habang ang mga natitirang kalahok ay isang beses lamang nabakunahan ng booster. Naitala ng mga mananaliksik ang 92 na pumanaw sa unang grupo at 232 na namatay naman sa ikalawang mas maliit na grupo.

“The main conclusion is that the second booster is lifesaving,” pahayag ni Ronen Arbel, Health Outcomes Researcher sa Clalit and Sapir College.

Inilabas ang ulat bilang isang preprint at hindi pa sumasailalim sa peer review. Hindi naman kabilang sa pag-aaral ang mga indibidwal na nabakunahan ng Moderna. RNT/SA