2nd booster shot sa vulnerable sector suportado ng WHO

2nd booster shot sa vulnerable sector suportado ng WHO

August 19, 2022 @ 10:17 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sumang-ayon ang World Health Organization sa pagbabakuna ng ikalawang booster shot sa mga taong pinaka-panganib o bulnerable sa COVID-19 upang mapataas ang kanilang kaligtasan sa sakit.

Sinabi ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (SAGE) na dapat mabakunahan ng ikalawang booster shot ang ilang ispesipikong grupo.

“We are doing this on the basis obviously of observations in relation to waning immunity and particularly in the context of Omicron,” ani WHO senior health advisor  Joachim Hornbach sa mga reporter sa pamamagitan ng video link.

Giit naman ni SAGE chairman Alejandro Cravioto na ang 2nd booster shot laban sa COVID ay hindi para dapat sa lahat bagkus ay para sa pinakabulnerable sa sakit.

Sinabi ng SAGE na dapat maturukan ng second booster ang mga  matatanda at lahat ng immunocompromised na tao, mga buntis na kababaihan, gayundin sa mga may kondisyon tulad ng diabetes, hypertension at cardiac, baga at sakit sa bato na naglalagay sa kanila sa mas mataas na panganib.

Itinutulak din ni Cravioto na maturukan ang health workers ng 2nd booster shot para matulungan sila sa paglaban ng pandemya. RNT