2nd cycle ng P170/kilo ng sibuyas pinaplantsa na ng DA

2nd cycle ng P170/kilo ng sibuyas pinaplantsa na ng DA

January 15, 2023 @ 8:13 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpapatuloy na ang negosasyon ng Department of Agriculture (DA) sa state-owned Food Terminal Inc. (FTI) upang makakuha ng mga sariwang sibuyas na maibebenta sa murang halaga sa Kadiwa stores.

“‘Yung start ng next cycle sa Kadiwa will be dependent on the supplemental MOA (memorandum of agreement) that we have to work on with FTI because sila ‘yung nagpo-procure,” pahayag ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista sa isang news forum nitong Sabado, Enero 14.

Nitong Biyernes, Enero 13 ay tumigil na ang Kadiwa stores sa pagbebenta ng pula at puting sibuyas sa halagang P170 kada kilo, lubhang napakamura kumpara sa P600 hanggang P700 kada kilo na presyo nito sa ilang mga pamilihan sa Metro Manila.

Ani Evangelista, hinihintay na lamang ng DA ang liquidation at inventory report kaugnay ng unang bugso ng mga sibuyas na naibenta sa Kadiwa stores.

“When we get all of that, only then can we decide our ways forward…,” aniya.

“As far as the MOA with FTI is concerned, we are discussing this with them together with our legal team,” dagdag pa nito.

Para sa unang cycle ng murang mga sibuyas, naglabas ang ahensya ng pondo na aabot sa P140 milyon upang makakuha nito sa FTI.

“The liquidation report from the FTI will be important to see how much of the funds were used and fund management as well. We also asked for a list of farmers and where they bought the onions, as well as the sales inventory, remaining stocks…,” pagbabahagi ni Evangelista.

Naghihintay naman aniya ang DA sa ulat ng FTI kung gaano karami ang maibibigay na suplay sa second cycle nito.

“For the second cycle, ito ang kailangan pagusapan with the FTI. The proceeds of the sales ang gagamitin pambili muli ng sibuyas,” sinabi ng DA official.

“Gusto natin ituloy ang pagkakaroon ng murang sibuyas sa Kadiwa. That is part of our commitment, and that is the Kadiwa program in itself.” RNT/JGC