2nd gold nilundag ni Obiena sa Orlen Cup

2nd gold nilundag ni Obiena sa Orlen Cup

February 5, 2023 @ 3:48 PM 2 months ago


POLAND – Pinamunuan ni EJ Obiena ang 2023 Orlen Cup sa Lodz, Poland ngayon Linggo, ang ikalawang tagumpay ng Filipino pole vault star sa serye ng mga torneo sa nagpapatuloy na European indoor season.

Tumalon ang No. 3 vaulter ng mundo sa clearance na 5.77 metro, tinalo si Sam Kendricks (5.70m) ng United States at siyam na iba pang kalahok.

“Masaya akong kunin ang panalo dito ngayon sa Łódź @orlencup. It was a hard battle, both physically and mentally,” post ni Obiena sa social media.

“Ngayon kami ay nagpapahinga at nagpapagaling para sa @copernicus_cup sa ika-8 ng Pebrero,” dagdag niya.

Dalawang araw lang ang nakalipas, naitabla ni Obiena ang kanyang personal at national indoor mark na 5.91 meters sa Mondo Classic sa Uppsala, Sweden kung saan nakuha niya ang ikatlong puwesto sa likod ni Armand Duplantis ng Sweden at American KC Lightfoot.

Binuksan ng Italy-based na si Obiena ang kanyang indoor season na may silver medal sa Internationales Springer-Meeting sa Cottbus, Germany noong nakaraang linggo bago nasungkit ang kanyang unang titulo ng taon sa Perche en Or sa France sa pamamagitan ng 5.82-meter effort.

Napilitan si Obiena na laktawan ang Asian Indoor meet sa Astana, Kazakhstan sa Pebrero 10-12 dahil sa kahirapan sa logistik tungkol sa kanyang mga poste at sa halip ay sasabak siya sa Copernicus Cup sa Torun, Poland sa Pebrero 8.JC