2nd mass vax drive vs COVID apektado ng bagyong Odette

2nd mass vax drive vs COVID apektado ng bagyong Odette

December 16, 2021 @ 1:58 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Sanhi ng bagyong Odette, napilitan ang Pilipinas na bawasan sa linggong ito ang target sa second round ng mass vaccination laban sa coronavirus disease (COVID-19), ayon sa opisyal nitong Huwebes.

Nasa 20.6 porsyento o 388 sa 1,634 lugar ang hindi nakalahok sa “Bayanihan, Bakunahan” drive nitong Lunes dahil sa paghahanda sa pagbuhos ng Odette, inaasahang isa sa pinakamalalakas na bagyo sa bansa ngayong taon, ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje. 

“Napakalawak ng kaniyang (Odette) coverage, we do not know sino ma-hit. Some [local governments] decided to go on, although not as massive,” pahayag  niya sa isang public briefing. 

“Many of the regions wanted to do suyod, really go to the far-flung areas, pero iyong malalapit na lang ang ginawa,” dagdag pa ni Cabotaje.

Nauna nang ianunsyo ng pamahalaan ang target nitp na makapagbakuna ng pitong milyong katao mula Disyembre 15 hanggang 17 sa naturang vaccination drive. Subalit 11 rehiyon na madadaanan ng bagyo ang ikinansela ang programa at inilipat ito mula Disyembre 20 hanggang 22.

Nasa 953,624 katao naman ang nabakunahan nitong Miyerkules, base kay Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center. 

Aniya, ang Calabarzon ang top performing region na nakapagturok ng 187,000 jabs, sinundan naman ito ng Central Luzon na nakapagbakuna ng 168,000 vaccine doses, at Ilocos na nakapagbigay ng 66,000 COVID-19 shots. 

Ilang lokal na pamahalaan pa ang hinihintay na makapagpasa ng kanilang vaccination reports sanhi ng bagyo, ayon kay Cabotaje. 

“We are confident na makakamit natin iyong 7 million. Ipu-push lang iyong iba, iyong iba nga medyo nag-menor dahil sa typhoon,” giit ng opisyal. “We will reach 7 million by the end of Dec. 22,” patuloy niya. RNT/SA