2nd tranche ng wage hike sa Central Luzon workers epektibo na!

2nd tranche ng wage hike sa Central Luzon workers epektibo na!

January 2, 2023 @ 7:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Matatanggap na ng mga minimum wage earners sa Gitnang Luzon ang second tranche ng daily wage increase, na naging epektibo nitong Linggo, Enero 1.

Ang ikalawang bugso ng daily pay hike na nagkakahalaga ng P10 ay alinsunod sa Wage Order No. RBIII-23 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Hunyo 2022.

Sa ilalim ng Wage Order No. RBIII-23, binibigyang-mandato ang ahensya na dagdagan ng P40 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong establisyimento sa rehiyon.

Ang unang tranche na P30 daily pay increase ay ipinatupad naman noong Hunyo 20, 2022.

Ani Geraldine Panlilio, regional director ng Department of Labor and Employment (DOLE) at chairperson ng RTWPB-Central Luzon, ang taas-pasahod ay para sa lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa rehiyon anuman ang posisyon nito, designation, status at paraan ng pagpapasahod sa mga ito.

“We are happy to inform our workers all over the region that a new minimum wage is taking effect this month,” ani Panlilio.

Sa ilalim ng bagong kautusan, ang minimum earners sa Central Luzon sa non-agriculture category at establisyimento na may mahigit 10 manggagawa ay makakatanggap ng P460 basic pay kada araw.

Ang mga empleyado naman na nagtatrabaho sa non-agriculture category at establishments na may mas mababa sa 10 manggagawa ay makakatanggap naman ng P453 basic pay kada araw.

Sa ilalim naman ng agriculture category, sa bagong wage hike para sa plantation at non-plantation workers ay P430 at P414.

Sa retail o service category naman, ang daily minimum wage sa mga establisyimento na may higit 10 manggagawa ay makakatanggap ng P449 na arawang-sahod habang P435 naman sa mga establisyimentong may mas mababa sa 10 empleyado.

Sakop ng bagong wage hike adjustment ang mga minimum wage earners sa mga probinsya ng Pampanga, Tarlac, Bulacan, Zambales, Bataan at Nueva Ecija.

Sa probinsya naman ng Aurora, ang daily minimum wage rate sa non-agriculture category ay P409, P394 sa plantation workers, P382 sa non-plantation workers at P344 sa mga nagtatrabaho sa retail at service establishments. RNT/JGC