3.1M pamilyang Pinoy nagutuman sa unang kwarter ng 2022

3.1M pamilyang Pinoy nagutuman sa unang kwarter ng 2022

June 7, 2022 @ 7:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 3.1 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng hindi sinasadyang pagkagutom o involuntary hunger ng kahit isang beses lang sa unang quarter ng 2022, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Lunes.

Tinukoy ng SWS ang involuntary hunger bilang “paggutom at walang makain.”

Napag-alaman sa survey na tumaas sa 12.2% ang hunger rate ng bansa mula sa 11.8% noong Disyembre noong nakaraang taon.

Tumaas ng 2.5 puntos ang insidente ng gutom sa Balance Luzon mula 9.2% o tinatayang isang milyong pamilya, hanggang 11.7% o 1.3 milyon noong panahon.

Higit pang mga pamilya sa Mindanao ang nagdusa sa kawalan ng sapat na pagkain, na umabot sa 761,000 pamilya mula sa 703,000.

Gayunpaman, bumaba ang antas ng kagutuman ng 4.2 puntos sa Metro Manila — mula 22.8% o 770,000 noong fourth quarter ng 2021, naging 18.6% o 636,000 noong Enero hanggang Marso.

Mas mababa rin ang naitala sa Visayas, mula 462,000 pamilya hanggang 373,000 pamilya.

Isinagawa ang survey noong Abril 19-27 gamit ang face-to-face interviews sa 1,440 adults sa buong bansa. RNT