3-4 anyos, nagtutulak na ng droga; PDEA, nababahala na

3-4 anyos, nagtutulak na ng droga; PDEA, nababahala na

July 11, 2018 @ 2:42 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nababahala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil pabata nang pabata ang mga menor de edad na suspek na nadadakip sa illegal drugs operation ng mga awtoridad.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, lubhang nakakabahala ang ahensya sa pagkakasangkot ng mga menor de edad na kabataan na ang edad ay 3 years old at 4 years old hanggang 17 years old na nagtutulak ng illegal drugs.

Sa isang press conference kanina, Hulyo 11, 2018 (Miyerkules), sinabi ni Aquino na sa murang edad ng mga naturang kabataan nasasangkot na sila sa mga sindikato ng illegal drugs at ginagamit ng mga sindikato sa kanilang operation.

“Isipin natin sa murang edad ng mga kabataan na ang edad ay 3 hanggang 17 years old, sangkot na sila sa illegal drugs” ani pa ni Aquino.

Bunsod nito patuloy na iginigiit ng PDEA sa Department of Education (DEPED) ang pagkakaroon ng mandatory drug test sa lahat ng secondary school at maging sa college student upang makatulong sa pagsawata ng illegal drugs na ang mga nasasangkot ay pawang mga kabataan.

Idinagdag pa ni Aquino na maging sa college student sinusuportahan niya ang pagsasagawa ng mandatory drug test sa mga estudyante.

Kaugnay nito sa ginanap na PDEA at Maritime Industry Authority (MARINA) Memorandum of Agreement (MOA) tiniyak ni Aquino na malaki ang maitutulong ng kasunduan upang mas palakasin pa ang kampanya ng pamahalaan kontra illegal drugs. (Santi Celario)