3-5 personalidad na pwedeng humalili kay Joma, pinag-aaralan ng PNP

3-5 personalidad na pwedeng humalili kay Joma, pinag-aaralan ng PNP

December 21, 2022 @ 4:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinisilip ng Philippine National Police (PNP) ang tatlo hanggang limang indibidwal na posibleng pumalit sa pumanaw na si Joma Sison bilang pinuno ng Communist Party of the Philippines, ayon sa opisyal nitong Miyerkules.

Sinabi ni PNP spokesman Police Col. Redrico Maranan na binubusisi pa ng ahensya ang mga pangalan at hindi pa pwedeng pangalanan ang mga personalidad.

“Mayroon tayong mga personality na tinitingnan, kung hindi ako nagkakamali ay mayroong tatlo hanggang lima na tinitingnan, subalit sa ngayon, I am not in a liberty to divulge those names dahil patuloy pa nating pinag-aaralan,” aniya sa public briefing.

Pumanaw si Sison sa edad na 83 sa ospital sa Utrecht, Netherlands, noong Disyembre 16.

Nanirahan siya sa self-imposed European exile mula nang mabuwag ang peace talks sa pamahalaan noong 1987.

Base sa National Democratic Front of the Philippines, pumanaw si Sison dahil sa “heart failure” matapos ang halos tatlong linggong hospital treatment.

Hindi naman nakatatanggap ang PNP ng anumang “serious threats” sa kabila ng pagkamatay ni Sison at sa nalalapit na anibersaryo ng CPP sa Disyembre 26.

Subalit, nananatiling nakakasa ang high alert sa kapulisan at handa sa anumang aksyon ng New Peoples’ Army — ang armed leg ng CPP, ayon kay Maranan.

“Sa ngayon, wala tayong natatanggap o namomonitor na seryosong banta, subalit kahit tayo ay walang natatanggap, tayo ay hindi magbababa ng ating pag-iingat at gwardiya. We will not let our guards down,” aniya.

Nagtakda ang CPP ng 10-day mourning period para kay Sison, kung saan ang NPA ay pwedeng magsagawa ng “tactical offensives against the rampaging fascist forces to defend the people.”

Subalit, tiniyak ng PNP sa publiko na handa ito sa ano mang offensives na ilulunsad ng NPA.

“Ito namang mga banta ay halos taun taon na ginagawa nila, dahil diyan, ang PNP ay laging nakahanda sa ganyang mga uri ng karahasan,” sabi ni Maranan.

“Ang ating polisya ay handang handa kung anuman ang kanilang gagawin na karahasan, yan ay pipigilin natin upang maipagtanggol ang ating kababayan,” dagdag niya.

Paiigtingin din ng PNP ang “defensive posture” nito sa lahat ng ranggo, dahil walang holiday ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at ng NPA.

“Patuloy tayong magpapatupad ng mga batas, paiigtingn natin ‘yung defensive posture ng ating police station at lahat ng ating mga kampo. Nakahanda tayo na kung anumang karahasan o violent incidents ang kanilang gagawin,” sabi ng PNP official. RNT/SA