3.5M OFW MADIDISKARIL SA GIYERANG NUKLEYAR.

3.5M OFW MADIDISKARIL SA GIYERANG NUKLEYAR.

March 3, 2023 @ 1:28 AM 4 weeks ago


AYON sa mga Amerikano, magkakaroon na ang bansang Iran ng bombang nukleyar anomang araw.
Halos 84 porsyento na ang purity ng uranium na ginagawa ng Iran, ayon sa Department of National Defense ng United States of America.

Sinabi ito ni US undersecretary for policy Colin Kahl sa Armed Services Committee sa US House of Representatives.

Nasa 80-90 na purity ng uranium ang kailangan sa paggawa ng bombang nukleyar.

Pero kahit hindi ganito ang purity, pwedeng-pwede nang gumawa ang Iran ng bombang nukleyar.

Batay ito sa ibinagsak ng US sa Hiroshima, Japan noong 1945.

Nasa 64 kilos ng uranium na nagbunga ng 15 kiloton na init ang ibinagsak ng mga Kano sa Hiroshima at natunaw lahat: 80,000 tao, halaman, hayop at gusali.

Binabantayan na lang ang Iran ng US, Israel at iba pa na magtesting ng nuclear bomb sa ibabaw ng lupa o sa ilalim nito.

Kapag may sumabog sa Iran na mukhang kabute, bombang nukleyar na ‘yun.
Maaari ring sa ilalim ng lupa isasagawa ang testing at kung may kakaibang lindol dahil dito,

bombang nukleyar na ‘yun.

Ang susunod na mangyayari?

Sinasabi ng Israel na bobombahin nito ang Iran, partikular ng mga plantang nukleyar nito na roon ginagawa ang uranium para sa paggawa ng bombang nukleyar.

At ang susunod, labanan ng Iran at Israel ang magaganap?

Walang gaanong Pinoy sa Iran ngunit may 31,000 sa Israel

Parehong mainit ang ulo ng Iran at Israel sa isa’t isa.

Kapag nagkabombahan, saan tatakbo ang 31,000 Pinoy sa Israel para hindi matamaan ng katulad ng bombang gamit sa Hiroshima?

Pero tiyak magkakagulo sa buong Gitnang Silangan na roon nakatira at nagtatrabaho ang nasa 3.5 milyong Pinoy.

Ano ang epekto sa Pinas ng ‘no work, no pay’ ng mga overseas Filipino worker sa Middle East dahil lang sa giyerang nukleyar?