3.7 kilo ng cocaine nasabat sa Kano sa NAIA

3.7 kilo ng cocaine nasabat sa Kano sa NAIA

September 28, 2022 @ 1:55 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga airport authorities ang Amerikanong galing Doha, Qatar nang hindi niya makumbinse ang mga otoridad na hindi kanya ang nasabat na iligal na droga gabi ng Martes, Setyembre 27 sa Ninoy Aquino International Airport.

Nang halughugin ang maleta ng suspek na si Stephen Joseph Szuhar, 3.7 kilo ng cocaine ang nadiskubre ng mga operatiba ng Bureau Of Customs, NAIA at Philippine Drugs Enforcement Agency.

Nag-ugat ang operation ng pinagsanib na BOC, NAIA at PDEA operatives mula sa tip ng reliable informant na darating ang suspek mula Doha, Qatar sakay ng Qatar Airways QR 932 galing Brazil bilang port of origin.

Pagdating ng suspek sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City, idinaan ng mga nag-aabang na operatiba ang maleta ni Szuhar sa K9, x-ray at sa 100% masusing physical examination na nagresulta sa kumpirmadong pagkakatuklas sa 3.7 kilo ng cocaine na may estimated value na P19,610,000.

Nahaharap ngayon si Stephen Joseph Szuhar, sa kasong paglabag sa RA 9165, o ang Comprehensive Drug Act of 2002. Dave Baluyot