3 akyat-bahay timbog sa Paranaque

3 akyat-bahay timbog sa Paranaque

November 9, 2022 @ 2:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong akyat-bahay suspects sa patuloy na pagsasagawa ng follow-up operations ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station (CPS) nitong Martes, Nobyembre 8.

Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col. Renato Ocampo ang mga inarestong suspects na sina Laz Vincent Santos, 21, fish dealer; Tom Ryuji Gabriel, 21; at Bernard Valerio, 21.

Base sa report na isinumite ni Ocampo kay Southern Police Distirct (SPD) director Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft, naunang naaresto ng mga tauhan ng Parañaque CPS si Santos at sa follow-up operation ay nadakip naman sina Valerio at Gabriel.

Sinabi ni Ocampo na ayon sa salaysay ng biktimang si Ednalyn Agbayani, 40, businesswoman, residente ng Ilaya Extn., Cor. Pascor Drive, Brgy. Sto. Niño, Parañaque City, noong hatinggabi ng Nobyembre 8 habang siya ay nasa Cavite ay nakatanggap siya ng tawag sa kanyang dalawang anak na nagsumbong sa kanya na parang mga naririnig silang ingay na nanggaglaing sa gate ng kanilang tahana na parang pilit na may nagbubukas nito.

Agad na bumiyahe mula Cavite si Agbayani at pagdating niya ng kanilang bahay sa Parañaque ay doon na nila nadiskubre dakong alas 2:00 ng madaling araw na ang dingding at kisame ng kanilang bahay ay sinira at nawawala ang P700,000 halaga ng alahas at P400,000 cash na nakalagay sa cabinet.

Agad na inireport ng biktima ang insidente ng pagnanakaw sa kanila sa barangay na siya namang tumawag ng mga tauhan ng Sto. Niño Sub-Station na rumesponde sa lugar at mabilis na naaresto si Santos dahil sa impormasyon ng isang saksi na si Edrian Galario, 30, delivery helper, na nagsabing nakita niya ang suspect na pumasok sa bahay ng mga biktima at lumabas matapos pagnanakaw.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Parañaque SOCO team na nagpoproseso sa lugar ay isang kapitbahay na nagmamay-ari ng isang CCTV malapit sa bahay ng mga biktima ang nagsabi sa mga imbestigador na nahagip nito ang paglabas ng mga ssupects sa bahay ng biktima na puno ang mga bulsa ng kanilang mga ninakaw na gamit at alahas.

Dagdag pa, kumaway pa umano sa CCTV ang isa sa mga akyat-bahay.

Sa tulong ng naturang camera ng kapitbahay ng biktima ay natukoy ang dalawa pang suspects na nagdulot na rin ng pagkakaaresto nina Valerio at Gabriel.

Sa interogasyon ay inamin ni Valerio na sina Santos at Garbriel ay kanyang mga kasabwat sa krimen at sila rin ang mga pumasok sa loob ng bahay ng mga biktima sa pamamagitan ng pagsira ng dingding at kisame.

Sa pagkakaaresto nina Valerio at Gabriel ay narekober sa mga ito ang halagang ₱322,440 cash na kanilang tinangay sa mga biktima.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 293 ng Revised Penal Code (Robbery “Akyat Bahay”) ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng Parañaque CPS. James I. Catapusan