3-anyos nilublob sa ilog, pinisak sa apak ng sariling ina

3-anyos nilublob sa ilog, pinisak sa apak ng sariling ina

June 15, 2022 @ 10:00 AM 2 weeks ago


CATANAUAN, QUEZON- Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang isang ina na umano’y may problema sa pag-iisip matapos patayin saka inilibing ang 3-anyos na anak na lalaki, nitong Mayo 29 sa bayang ito.

Ayon kay Police Captain Lindley Tibuc, hepe ng Catanauan Police Station, nitong Hunyo 9, nahukay nila ang bangkay ng batang lalaki sa may kawayanan sa Barangay Santa Maria, Dao ng nasabing bayan.

Nabuko ang ginawang karumal-dumal na krimen ng suspek na itinago sa pangalan Lita, ng maglakas loob na magsumbong sa mga awtoridad ang panganay nitong anak na nakakita sa pangyayari.

Kwento ng menor de edad na panganay na anak ng suspek, nakita niya ang kanyang ina at kapatid sa ilog sa pag-aakalang maliligo lamang ang mga ito.

“Nakita ko na lang po inilublob ni mama sa ilog ang kapatid ko saka niya inapak-apakan sa leeg at tiyan nang hindi gumagalaw ‘yung bata ay naghukay na ito ng lupa malapit sa may ilog saka inilibing ang kapatid,” ani pa ng bata.

“Since 10 years old po ay may nagkaroon po siya (suspek) ng problema sa pag-iisip dahil nagkaroon daw po siya ng sakit,” sabi ni Tibuc.

Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang suspek./Mary Anne Sapico