3 anyos patay sa tumalon na motorsiklo sa dam

3 anyos patay sa tumalon na motorsiklo sa dam

August 8, 2022 @ 11:41 AM 2 months ago


NUEVA VIZCAYA- Maagang binawian ng buhay ang isang batang babae matapos mahulog sa mini dam ang sinasakyan nilang motorsiklo nitong Sabado sa bayan ng Kasibu.

Kinilala ang nasawi na si Hazel Jose, 3-anyos, habang ligtas naman nakaahon sa tubig ang ina at tiyuhin nito na pawang mga residente ng Barangay Alloy Kasibu, Nueva Vizcaya.

Batay sa report ng Kasibu Police Station, naganap ang insidente sa mini dam overflow bridge na nagdudugtong sa Barangay Poblacion at Barangay Alloy at pilit na tumawid ang motorsiklo kahit na umaapaw na ang tubig.

Posibleng nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng motorsiklo dahil sa lakas ng agos ng tubig na nagresulta ng pagkahulog nila sa dam.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report mula sa isang residente sa nasabing lugar hinggil sa nahulog na motorsiklo sa mini dam sakay ang tatlong katao.

Rumesponde naman sa naturang lugar ang mga tauhan ng Kasibu Police Station, BFP at MDRRMO Kasibu at nagsagawa ng search and retrieval operation.

Sa gitna ng operasyon natagpuan ang bangkay ni Jose na na nagpalutang-lutang 800 metro ang layo mula sa mini dam overflow bridge.

Nagpaalala naman ang mga otoridad sa mga motorista na mag-ingat lalo na kapag malakas ang ulan at mataas na ang tubig-baha para maiwasan ang disgrasya./Mary Anne Sapico