3 araw na job fair ikinasa sa Pasay

3 araw na job fair ikinasa sa Pasay

September 23, 2022 @ 2:35 PM 6 days ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng tatlong araw na job fair na may temang “Trabaho, Turismo at Asenso” sa ilalim ng pamamahala ng Pasay Employment and Services Office (PESO).

Sinabi ni Calixto-Rubiano na naisakatuparan ang pagsasagawa ng job fair sa pakikipagkoordinasyon sa dalawang ahensya ng gobyerno na Department of Tourism (DOT) at ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Calixto-Rubiano, sinimulan ang job fair nitong Setyembre 22 na magtatagal ng hanggang Setyembre 24 na kasalukuyang ginaganap sa SMX Convention Center na matatagpuan sa SM Mall of Asia (MOA).

Hinikayat ni Calixto-Rubiano ang lahat ng interesadong naghahanap ng trabaho sa lungsod na magdala ng kanilang sariling ballpen pati na rin ng kanilang updated na resume at magtungo sa SMX Convention Center at lumahok sa naturang kaganapan.

Kasabay nito ay pinaalalahanan din ni Calixto-Rubiano ang mga aplikante na huwag kalimutang sumunod sa EMI habit (Ensure to always wash your hands, Mask is a must, and Implement physical distancing) na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang lokal na pamahalaan ay nakikipagkoordinasyon din sa tanggapan ni Rep. Antonino Calixto upang mapagkalooban ng tulong ang mga walang trabahong Pasayeños na naapektuhan ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Para sa karagdagang impormasyon, pinayuhan ang mga aplikante na bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Pasay-PESO. James Catapusan