3 arestado sa buy bust sa Valenzuela, P149K shabu nasamsam

3 arestado sa buy bust sa Valenzuela, P149K shabu nasamsam

August 14, 2022 @ 5:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – NASABAT sa tatlong hinihinalang drug personalities ang mahigit P.1 milyon halaga ng shabu matapos matimbog sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City.

Kinilala ni PLT Doddie Aguirre, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang naarestong mga suspek bilang sina Manuel Cardenas Jr, 49 ng M H Del Pilar St., Mabolo, Israel Pangan, 49 at Harry Bhong Maroto, 29, welder, kapwa ng Brgy. Arkong Bato.

Sa ulat na isinumite ni PCpl Glenn De Chavez kay Valenzuela Police chief Col. Salvador Destura Jr., dakong alas-2:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Aguirre ng buy bust operation sa Buko St., Brgy. Balangkas kung saan nagawang makipagtransaksyon ni PSSG Arvin Lirag na umakto bilang poseur-buyer ng P500 halaga ng shabu kay Cardenas.

Matapos matanggap ang pre-arranged signal mula sa poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu kay Cardenas ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba at inaresto ang suspek, kasama si Pangan at Maroto na nakuhanan din ng tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Narekober sa mga suspek ang pitong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 22 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P149,600, marked money, P700 recovered money, 3 cellphones at coin pouch.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.(R.A Marquez)