3 asong gagawing pulutan nasagip sa Bulacan

3 asong gagawing pulutan nasagip sa Bulacan

January 13, 2023 @ 7:43 PM 3 weeks ago


Bulacan – Arestado sa entrapment/rescue operation ang 53 anyos na lalaki na umanoy nahulihan ng tatlong Aspin o “Asong Pinoy” na nakatakdang ibenta sa kanyang parokyano para gawing pulutan sa bayan ng San Rafael.

Kinilala ni Bulacan Police director PCol. Relly Arnedo ang suspek na si Robert Benavidez, may-asawa, caretaker, residente ng Brgy. San Roque.

Sa report, ikinasa ang operasyon ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bulacan kasama ang San Rafael police at ilang personnel ng Animal Kingdom Foundation Inc.bandang 2:25 ng hapon nitong Enero 12, sa Hulo, Brgy. San Roque.

Dahil dito,nasagip ng mga awtoridad ang tatlong Aspin sa kamay ng suspek na nasa pangangalaga na ngayon ng naturang foundation.

Sinasabing sangkot ang suspek sa bentahan ng aso at karne nito na kadalasang ginagawang pulutan sa malamig na lugar at sa panahon ng tag-lamig.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nasa kostudiya ng CIDG para sa kaukulang documentation at disposition. Dick Mirasol III