3 BAGONG ANAK NG COVID BANTAYAN

3 BAGONG ANAK NG COVID BANTAYAN

February 1, 2022 @ 10:34 AM 8 months ago


HUMUHUPA na ang COVID-19 sa mahal kong Pinas sa pangkalahatan, lalo na sa Metro Manila.

Pero hindi dapat na magrelaks ang lahat at dahan-dahan lang dapat ang mga paglulwag na gawin.

Bakit?

Anak ng tokwa, hindi natin alam kung ano ang nangyayari sa pagsulpot ng tatlong anak ng COVID na sumasalakay sa buong mundo, partikular ang mag-inang Omicron variants na BA.1 at BA.2.

Nandiyan na ring ang pagkakadiskubre ng pangatlong anak na tinatawag ng mga Wuhan scientist na NeoCov.

Lahat ng ito ay nanggaling sa Africa.

Katulad ng BA.1 at BA.2 na narito na sa Pinas, hindi natin alam kung kailan lulundag din ang NeoCov sa ating bansa.

PAGLILIWANAG SA TATLO

Magandang subaybayan natin lagi ang mga bagong anyo ng COVID para hindi tayo masilat sa pakikipaglaban sa mga ito.

Itong BA.1, sinasabing sa labas na ng Metro Manila tumitira pero ang BA.2, sa Metro Manila.

Naging madaling makilala ang BA.1 dahil wala itong Spike gene o S-Gene kung tawagin na dala ng Delta variant.

Kapag isinalang sa reverse transcription polymerase chain reaction test ito at walang S-gene, masasabing BA.1 ito.

Ngayon naman, mga Bro, hindi basta makikilala na Omicron ang BA.2 kahit may S-gene ito s art-pcr kaya tinawag itong stealth omicron.

Kailangan pa itong isalang sa genome sequencing para makilala ito.

Ang pagkakaiba ng BA.1 sa BA.2 ay ito: Magkapareho ang dalawa sa 32 na itsura pero may 28 na itsurang kaiba ng huli sa una.

Mas matindi umano ang BA.2 sa hawaan kaya lang inaalam pa kung nakalilikha ito ng mas seryosong pagkakasakit at kung higit na nakamamatay.

Ang maganda, kahit humina, epektibo pa rin ang mga bakuna, laban sa mga variant na ito.

Pero itong bagong anak na NeoCov, wala pang nakatitiyak subalit sinasabi na ng mga nakadiskubre na maaaring mas mabagsik ito kaysa sa mga Omicron variants.

MAGBANTAY AT LUMABAN LAHAT

Noong una, sinubukan ng lahat ng mga bansa, kasama ang Pilipinas, pigilin ang pagpasok ng Omicron variant ngunit nakapasok pa rin ito sa pamamagitan ng mga dayuhan at Pinoy na dumarating mula sa iba’t ibang bansa.

At mero ngang paniniwala na kabilang ang Pilipinas sa kinapanganakan ng BA.2.

Paano ang NeoCov?

Kung totoong meron ito, maaaring makapasok din ito sa Pinas.

At nandiyan talaga ang posibilidad dahil maaaring muling magbukas ang Pinas ng pintuan nito sa mga dayuhan o mas mabilis na pag-uwi ng mga Pinoy mula sa ibang bansa.

ANG MATINDI

Walang umaamin na pumapatay nang todo ang Omicron variant at ang anak nito at sinasabing paisa-isa lang ang biktima nito, gaya ng ulat ng Department of Health na iilan pa lang ang patay sa Pinas.

Pero ito ang isipin natin, mga Bro.

Sa nakaraang apat na araw sa United States na 95 porsyento na ang Omicron variant at pumalit sa Delta variant na 99% sa mga kasong COVID simula noong Nobyembre 2021, aba, mahigit sa 3,000 lagi ang namamatay.

Hindi nakamamatay ang Omicron variant at ang anak nito?

Maghunos-dili ang mga nagsasabi nito.