3 bagong evacuation center sa Batangas, ipapagamit ni PDu30 sa Taal victims

3 bagong evacuation center sa Batangas, ipapagamit ni PDu30 sa Taal victims

March 30, 2022 @ 4:49 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nais na puntahan at makita ni Pangulong Duterte ang katatapos lang na evacuation center na maaaring pagdalhan sa mga maaapektuhang residente sa harap ng pinaghahandaan na ring pagputok ng bulkang taal.

Sa kanyang Talk to the People, araw ng Miyerkules, sinabi ng Pangulo kay Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario na gusto niyang makita ang bagong tayong evacuation center na nasa Sta Teresita, Mataas na Kahoy at Altadtad.

Naging partikular ang Chief Executive kay del Rosario patungkol sa mga palikuran ng evacuation center na nais niyang sadyain. Sana aniya raw ay hiwalay ang comfort room ng babae sa lalake.

Sinabi pa niya na kung maaari ay may tig- limang CR ang maihanda para sa babae at lalaki.

Sa kabilang dako, tinuran pa ng Pangulo na sa nalalabi niyang mga araw sa termino ay nais niyang gamitin ang pera sa pagpapatayo ng half way house na maaaring matutuluyan ng mga apektadong residente tuwing ganitong may kalamidad.

Sinabi ng Pangulo na ginawa na niya ito sa Davao na kung saan ay kasama sa structure nito ang hiwalay na kusina sa mga Muslim at sa mga Kristiyano.

Giit ng Punong Ehekutibo, kung may pera pang nalalabi ay handa niyang ubusin ito para sa pagtatayo ng nasabing istraktura. Kris Jose