3 bandidong ASG sumuko sa Sulu

3 bandidong ASG sumuko sa Sulu

January 3, 2023 @ 8:47 AM 1 month ago


ZAMBOANGA CITY –SUMUKO sa mga awtoridad ang tatlong kasapi ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) kasama ang isa na sangkot sa kasong kidnapping sa isla ng Sipadan, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ni Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao, ang mga sumuko na sina Mujir Jallah Aharadji alyas “Appah,” 29; Jurrim Alungan Hapas, 61; at Ebin Habiba Hapas, 60.

Ayon kay Verceles, bandang 1:30PM ng Lunes sumuko ang tatlo sa Camp Julasirim Kasim sa tanggapan ng Sulu Police Provincial Office sa Barangay Asturias, Jolo, Sulu.

Sinabi ni Verceles na si Aharadji ay sumapi kay Radulan Sahiron, ang pinaka-matandang pinuno ng bandidong drupo sa Sulu, makaraan mamatay ang kanyang pinuno na si Hairulla Asbang noong Abril 2021.

Habang sina Jurrim at Ebin ay pawang tagasunod ng pinatay na si ASG leader Amah Maas, noong 2005.

Si Jurrim ay sangkot sa pagdukot sa 21 katao sa 11 Asians at 10 Europeans noong Abril 23, 2000 sa isang dive resort sa isla ng Sipadan, Malaysia.

Sa pinagsamang-pwersa ng Sulu-PNP, Criminal Investigation and Detection Group at Special Action Force, naging matagumpay ang pagsuko ng tatlo na ngayon ay isinailalim sa debriefing at profiling procedures. /Mary Anne Sapico