3 bansa target gawing ’employment market’ para sa mga OFW

3 bansa target gawing ’employment market’ para sa mga OFW

April 9, 2022 @ 9:25 AM 3 months ago


MNAILA, Philippines- Tatlong bansa ang kinokonsidera bilang employment markets para sa overseas Filipino workers (OFWs), ayon sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Lebanon.

Sinabi ni Labor Attache Alejandro Padaen na tinitingnan nila ang bansang Turkey, isa rin sa ilalim ng hurisdiksyon ng POLO kasama na rin ang mga bansang Georgia, Azerbaijan, at north Cyprus, bilang iba pang employment destination para sa Filipino workers.

“Turkey is a good prospect as an employment market for our workers once everything has normalized,” anito sa virtual forum.

Ang kasalukuyang bilang ng mga Filipino workers ay 4,000.

“Slowly, the number is increasing since we have a regular deployment there,” dagdag na pahayag ng POLO-Lebanon.

Kabilang sa mga OFWs na nasa host country ay skilled workers, household services workers (HSWs), at iyong mga nasa service sector.

Sinabi ni Padaen na ang minimum salary ng HSWs ay US$800 kada buwan.

Ang halaga ay doble sa sahod ng mga manggagawa sa ibang bansa.

“Recently, we approved a job order for workers in a big tuna factory which is managed by a Filipino,” anito.

Sa kasalukuyan, 11 foreign recruitment agencies (FRAs) ang accredited para sa deployment ng HSWs.

“Another good prospects are Georgia and Azerbaijan because they have oil and gas sector there. Although we already have workers there, skilled and of course HSWs,” dagdag na pahayag nito.

Sa Northern Cyprus, ang mga OFWs na nagta-trabaho roon ay HSWs, cleaners, staff sa mga hotels at nagta-trabaho sa bazaars.

Samantala, pinayuhan ni Padaen ang mga Filipino na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na makipag-transaksyon lamang sa mga recruitment agencies na accredited ng gobyerno, o ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Kris Jose